Mariing Itinanggi ni Alice Guo Ang Mga Transaksyon Sa Bangko, Singil Sa Kuryente Ng POGO Hub
Manila, Philippines -- Bilyon-bilyong piso ang nailipat sa mga bank accounts ni Alice Guo, ang dating Mayor ng Bamban, Tarlac, at sa mga accounts ng kanyang mga kumpanya, ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality noong Lunes, sinabi ni Gatchalian na P1.9 bilyon ang nailipat sa mga account ni Guo mula 2018 hanggang 2024, na kanyang itinanggi.
“Walang pumasok na P1.9 bilyon. I invoke my right. May pending human trafficking related sa issue,” sabi ni Guo.
Samantala, humigit-kumulang P3 bilyon ang idineposito sa bank account ng QJJ farms ni Guo mula 2018 hanggang 2024. “Timing 2017, 2018, 2019 lahat to eksakto kung kailan pinatayo ang Bamban POGO hub,” sabi ni Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, ang Baofu Land Development ni Guo ay nagbayad sa Haoli Builders Construction at Maxgear Construction Supply. Ang perang ginamit sa pagbabayad ay diumano’y galing sa QJJ farm.
“So ibig sabihin yung perang pumasok sa QJJ farm, pinakita na 3 bilyon, pumunta sa Baofu at binayaran ang contractor,” sabi ni Gatchalian.
“Di ko masasagot wala akong matandaan, i-double check ko. Wala akong maalalang ganun transaction,” komento ni Guo. Nagtaka rin si Gatchalian kung bakit ang net worth ni Guo ay P177 milyon gayong ang kanyang mga negosyo ay diumano’y hindi maganda ang takbo.
Ang QJJ farms, halimbawa, ay may net income lamang na P81,000 noong 2021.
“Saan nanggagaling ang iyong kita?” tanong ni Gatchalian.
Tumanggi si Guo na sumagot, “In due respect po, I have pending case with BIR.”
Gayunpaman, isiniwalat niya na si Chinese Huang Zhiyang ang nag-facilitate ng investment ng bilyon-bilyong piso sa Bamban.
Ang unang plano ay magtayo ng pabahay at nang mag-isip ang grupo ni Huang ng iba pang uri ng negosyo, sinabi ni Guo na nag-divest na siya noong 2022 bago tumakbo bilang Mayor.
“Nakita rin namin ginamit mo mga kompanya para bayaran diretso kuryente ng POGO hub,” alegasyon ng Senador.
Sinabi niya na aktibo si Guo sa mga transaksyon dahil ang QJJ farm at QSeed Genetics ay nagbayad ng iba’t ibang halaga hanggang Enero ng taong ito na nagkakahalaga ng P5.3 milyon.